Tungkol sa Pagsisimula

Pang-apat na subok ko na ito na gumawa ng blog. Yung una, manu-mano ang pagkagawa. Plain-HTML. Buhay pa at mahahahanap kung sisipagin. Yung pangalawa at pangatlo, nabuhay lang ng mga ilang posts bago napabayaan. Yung huli naman ay nasawi pagkatapos ng isang post. Oo, isa lang. Walang pahiwatig na mas papalarin ang blog na ito kaya bakit pa ba ako nagpupumilit?

Ang mga susunod ay ilan sa mga naiisip kong dahilan:

  1. Masanay magsulat
  2. Masanay magsulat sa Filipino
  3. May mapaglagyan ng mga naiisip
  4. Makapag-isip ng mas mabuti
  5. Maging sikat :p

Pero ang totoo, mahirap hanapan ng magandang dahilan ang isang gawain na siguradong papalpak. Ni hindi ko na mapapaniwala ang sarili ko sa mga pinagsususulat ko. Ang inaasahan ko na lamang ay makasulat ng maraming posts, sa maraming taon, hanggang sa masikmura ko na ang nasusulat ko. Siguro ang lahat ng sinisimulan ay sinisimulan na umaasa. Bumabangon at umaasang gaganda ang araw, o di kaya’y babalik sa higaan at umasang makakaiwas sa mga problema. Tumaya at umasang manalo. Magpa-cute at umasang mapansin. Magdasal at umasang biyayaan. Humakbang at umasang may patutunguhan. Ang kasiguraduhan ay ang ikikilos hindi ang kahihinatnan at siguro sapat na ito para magpatuloy.

Hindi ko na alam ang pinagsasabi ko. Nalunod ako sa paghahanap ng tamang metro at mga katugma nung huling talata. Ang alam ko lang ngayon ay ang tapusin ito, ilabas sa mundo, at umasang darating ang kahulugan. Hintay lang kayo, darating din ’yan.